Labis ang tuwa ng mga nakipiyesta sa Tres De Mayo sa Digos City, Davao del Sur, sa 'di pangkaraniwang boxing na itinampok ng barangay - ang boxing kung saan nakapatong sa kawayan ang mga manlalaro at mistulang gagamba, at boxing nang nakapiring.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing tinawag na "Gagamboxing" ang unang boxing event sa lugar dahil sa kawayan ginagawa ang makikipagtunggali imbes na sa lupa.
Ayon sa rules nito, matatalo ang isang player kapag nahulog na siya nang tatlong beses.
"Magsikap lang talaga... Kayang-kaya!" ayon sa isang kalahok.
Nakapiring
Ikinasiya rin ng mga manonood ang ikalawang boxing event na nakapiring ang mga mata ng mga manlalaro.
"Iiwas at makinig sa mga tao. Matamaan kasi maliit lang naman ang iikutan namin dito," sabi ng isang kalahok tungkol sa kaniyang istratehiya.
Dahil mga nakapiring, walang kasiguruhan kung makakatama ang player kaya sa halip, mga manonood ang nasusuntok o 'di kaya ang referee.
Ayon sa kapitan, ito ang palarong handog ng barangay sa kanilang pista.
"Bilang kapitan wala tayong ibang hangarin kundi ang maging masaya ang mga tao sa pagdiriwang ng pista ng aming barangay," sabi ni Barangay Chairman Oscar Bucol Jr. ng Barangay Tres de Mayo. —Jamil Santos/NB, GMA News
