Isang diumano'y tulak ng droga ang napatay sa Pulilan, Bulacan nitong Lunes ng gabi matapos ang isang buy-bust operation, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes ni Victoria Tulad.

Ang suspek na nakilala lamang sa pangalang Alyas Roel ay isang tricycle driver na diumano'y suma-sideline rin sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Nanlaban daw ang suspek sa buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Sto. Cristo kaya napatay siya ng mga pulis.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril at 11 sachet ng hinihinalang shabu.

"Matagal na namin siyang kuwan, project... Actually taga kuwan po 'yan, Baliuag. At dito siya nagbabagsak sa Pulilan," pahayag ni Police Superintendent Arwin Tadeo, chief of police ng Pulilan, Bulacan.

"Pinapa-check po natin kung ito ay nasa watch list po ng Baliuag Police Station," saad naman ni Police Senior Superintedent Chito Bersaluna, acting provincial director ng Bulacan Police. —KG, GMA News