Sa halip na magpaaresto, nag-iskandalo at hinanapan ng warrant ng isang criminology student na sangkot umano sa ilegal na droga ang mga pulis na umaresto sa kaniya sa isang buy-bust operation sa Quezon City. Bukod sa kaniya, arestado rin ang tatlo pa na umano'y mga tulak ng droga.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nakipagtagpo ang pulis na nagpanggap na bibili ng droga at ang kaniyang asset sa target na tulak umano ng shabu na si Joed Salvador sa isang bangketa Barangay Novaliches Proper sa nabanggit na lungsod.

Ngunit bukod kay Salvador, dumating din sa lugar ang sinasabing pinagkukunan nito ng droga na si John Cristopher Mercado, na natuklasang criminology student.

Nang arestuhin, tahimik na nagpaposas si Salvador pero si Mercado, nagsisisigaw kahit pa sinabihan siya ng mga pulis na tumahimik.

Hinanapan din ni Mercado ng search warrant ang mga pulis.

Nang suriin ng mga pulis ang bag ni Mercado, nakita rito ang kaniyang ID na nagsasaad na 4th year criminology student siya.

Nakita rin ang tatlong plastic ng shabu na aabot sa P14,000 ang halaga na nakadikit sa kaniyang ID.

"Magkasama sila, napaniwala natin 'yung Joed na malaki kumuha tapos magiging regular player," sabi ni Police Senior Inspector Dennis Francisco, Chief SDEU/Intelligence Branch QCPD Station 4.

"Pabiktima effect basta makagawa lang senaryo, makagawa lang ng eksena roon para malagay sa alanganin ang mga operatiba natin. Nasa legitimate operation naman tayo," sabi ni Francisco tungkol sa nag-iskandalong si Mercado.

Itinuro naman ng mga naarestong suspek ang kapwa tulak niya na si Paul de Guzman alyas "Ponti," na sunod na inoperate ng pulis at naaresto sa hiwalay na operasyon.

Pitong plastic ng shabu na aabot sa mahigit P13,000 ang nakuha sa kaniya.

Inaresto rin ang isang Rael Dave na nakipagkita rin kay de Guzman para bumili umano ng droga.

Tumangging magbigay ng pahayag ang apat na suspek na sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News