Tinatayang P7.2 milyong halaga ng high-grade marijuana o kush ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buy-bust operation na kanilang ikinasa sa loob ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa nitong Linggo ng gabi.
Arestado sa operasyon ang mag-live-in partner na hindi muna pinangalanan ng PDEA dahil may ikinakasa pa silang follow-up operation.
Bukod sa anim na kilo ng kush na naka-repack na, nasamsam din ang mga paraphernalia sa paghithit ng pinatuyong kush gaya ng pipe.
Ayon kay PDEA Region 3 Director Gil Pabilona, nadatnan pa nila ang mga suspek na nasa gitna ng pot session sa loob ng bahay na kanilang inuupahan sa loob ng Ayala Alabang Village.
Isang buwan daw nilang isinailalim sa surveillance operation ang mga suspek bago nila ikinasa ang buy-bust operation.
Galing daw ng California sa United States ang mga kush at ito ay ipinadala sa pamamagitan umano ng courier service. Ibig sabihin, dumaan ang mga kontrabando sa Bureau of Customs.
Ito na raw ang isa sa pinakamalaking halaga ng kush cannabis na nasamsam ng PDEA.
Bineberipika na rin ng PDEA ang impormasyon na kabilang sa mga parokyano ng dalawang suspek ay mga celebrity o sikat na personalidad at pawang may mga kaya sa buhay.
May hinala rin ang PDEA na dahil marami-rami ang mga pipe o paraphernalia sa paghithit ng kush ang nasamsam, ang bahay sa Ayala Alabang na kanilang inuupahan ay ginagamit din bilang drug den.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong manufacturing, selling at possession of dangerous drugs at drug paraphernalia.
Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng pahayag. —KBK, GMA News
