Simula sa susunod na linggo, matatanggap na ng mga pensiyonado ng Social Security System (SSS) ang kanilang 13th month pension, na katumbas ng natatanggap nilang buwanang pensiyon.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi umano ng SSS na P22 bilyon ang inilaan nila para sa 13th month bonus ng nasa 2.4 milyong pensiyonado.
Makukuha raw ito ng mga pensiyonado simula sa Nobyembre 29, Huwebes, bilang ayuda sa mga nakatatanda.
Bagaman nananatili pa naman daw na matatag sa ngayon ang pananalapi ng ahensiya, sinabing mas mataas na ang binabayarang pensiyon ng SSS kaysa sa natatanggap nilang kontribusyon mula sa mga miyembro.
Nagsimula raw ito nang dagdagan ng P1,000 ang pensiyon na natatanggap ng mga pensiyonado nitong nakaraang Enero.
Mula Enero hanggang Sepyembre 2018, nakapaglabas umano ang SSS ng P134 bilyon para sa mga pensiyonada, habang ang koleksyon sa mga miyembro ay nasa P127 bilyon o "deficit" ng P7 bilyon. —FRJ, GMA News
