Nananatili pa ring alipin ang mga Filipino, 33 taon matapos maipanalo ng sambayanan ang EDSA people power uprising na nagpatalsik sa diktadurya noong 1986.

Sa panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi nig Fr. Anton Pascual, pangulo ng Radyo Veritas, na hindi pa nagtatapos ang pagkaalipin ng mga Filipino sa kahirapan, katiwalian, korapsyon, at dinastiya.

“Kayat hindi pa tapos ang diwa ng rebolusyon. Lumaya tayo sa kuko ng mga makapangyarihan, at kuko ng kahirapan at kasamaan ng korapsyon!”

Iginiit ng pari na kinakailangan pa ring ipagtuloy ang rebolusyon o ang pagbabago ng lipunan para maghari ang pag-ibig at katarungan ng Panginoon.

“Alam natin na ang bansang Pilipinas ay paghahari lang ng 50-pamilyang mayayaman (oligarchy) at ang naghahari lang sa politika ay wala pang dalawang daang pamilya, ang humahawak at kumikitil ng ating pulitika sa bansang Pilipinas dahil nga dito sa family dynasty,” dagdag ni Pascual.

Pahayag ng pari, ang EDSA People Power Revolution ay hamon sa pagbabago ng lipunan na ang dapat na maghari ay ang pag-ibig, kapayapaan at katarungan ng Diyos.

Pero matapos ang 33 taon na kabiguan, naniniwala pa rin ang pari na hindi dapat kalimutan ang nagdaang "bloodless revolution" sapagkat ito ay isang biyaya ng na naging daan para makamit ang demokrasya sa Pilipinas.

“Kaya, dapat nating ipagpatuloy sapagkat hindi pa tapos ang ating rebolusyon at hangad na lumaya, madami pang umaalipin sa atin tulad ng kahirapan, tulad ng korapsyon, tulad ng kriminalidad ano at marami pang tulad ng pagkakanya-kanya at pakasira ng ating kalikasan,” giit niya.

Sa darating ng ika-25 ng Pebrero, gugunitain ng mga Filipino ang ika-33 na anibersaryo ng tagumpay laban sa diktadurya.

Una na ring tumanggap ng pagkilala mula sa Edsa People Power Commission ang Radyo Veritas sa pamamagitan ni Fr. Pascual sa naging bahagi ng himpilan sa naganap na "bloodless revolution" noong 1986.

Iginawad din sa Radio Veritas ang “Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and the Creative Communication Arts" dahil sa walang takot na paninindigan sa katotohanan at laban sa diktaduryang Marcos. —LBG, GMA News