Patay ang isang lalaki, habang walo naman ang arestado matapos salakayin ng mga pulis ng District Intelligence Division ng Manila Police Division (MPD) ang isang gusali sa Quiapo na pinagkukutaan ng grupong sangkot umano sa droga at gunrunning.


 

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabi ng pulisya na nanlaban kaya sa napatay sa naturang operasyon si Jamir Ampuan alyas "Kalbo."

Si Ampuan ay pinsan umano ng isa sa mga target personality na namamahala sa gusali. 

Wala sa lugar ang mga target operasyon pero inaresto ng mga awtoridad ang walong nasa gusali, kabilang ang ilang kababaihan.

Pero itinanggi ng mga naaresto na may kinalaman sila iligal umanong gawain ng grupo.

Nakita sa gusali ang halos kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2.5 milyon.

Narekober din ang apat na baril, dalawang granada, mga cellphone, at nasa P30,000 na pera. -- FRJ, GMA News