Apat na beses umanong ginahasa ng sariling tiyuhin ang isang 11-anyos na dalagita na nagbabakasyon lamang sa bahay ng ina, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Huwebes.

Naaresto naman ang 24-anyos na suspek sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Sampaloc, Maynila, nitong Miyerkoles ng gabi.

Nagsimula ang panghahalay nang magbakasyon ang biktima noong Marso sa bahay ng kanyang ina kung saan nakatira ang suspek, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis.

Hiwalay na ang mga magulang ng biktima kaya ang lolo sa ama na ang nag-aalaga sa dalagita.

Umamin ang suspek sa krimen. Aniya, apat na beses niyang ginahasa ang biktima na kanyang pinagsisisihan na raw.

“Sa tatlo, lasing ako. Yung isa, hindi ako lasing. Nagsisisi ako. Mali ang ginagawa ko,” sabi ng suspek.

Nalaman ng ina ng dalagita, na kapatid ng suspek, ang insidente nang kutuban siya nang lagnatin ang anak.

"Sabi ko , 'Nak, huwag kang matakot sabihin mo sa akin dahil nanay mo ako.’ Nayon, inamin ng bata,” kwento ng ina ng biktima.

Nagsumbong din ang bata sa kaniyang lolo na dumulog naman sa mga pulis hanggang sa maaresto ang suspek.

Haharap sa reklamong statutory rape ang suspek, habang ang biktima naman ay isasailalim sa counseling ng Department of Social Welfare and Development. —Joviland Rita/KBK, GMA News