Nagkagirian, batakan at tulakan ang mga residente at mga tauhan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) sa isinagawang clearing operation sa NIA Road nitong Biyernes.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Balitanghali," sinabing dahil na rin ito sa ibinigay na 45 araw na ultimatum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga mayor sa Metro Manila na linisin ang kanilang sa mga kalsada at bangketa.
Nagkamurahan at duruan pa sa ginanap na operasyon kung saan nakitang hanggang second lane na ng kalye ang mga paninda ng mga residente.
Inilahad ng DPOS na kailangan nila itong gawin o malilintikan sila sa DILG, pero sinabi ng mga residente na hindi sila parang daga na basta itataboy lamang kasama ang kanilang mga hanapbuhay.
Ipinakita pa ng ilang residente ang mga sugat na tinamo sa clearing operations.
Nakita pang ultimo hagdan ng ilang bahay ay nasa bangketa na, at ilan sa mga istruktura ay sementado ang sidewalk.
Sa Agosto 1 naman maghihigpit ang DPOS sa lahat ng bus terminals sa Quezon City dahil bawal na ang mga provincial buses, na siyang ikinaangal ng mga pasahero.
Naunawaan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sentimyento ng mga pasahero kaya ihahanda muna nila ang saluhan ng mga biyahe mula integrated bus terminal sa Valenzuela City, Sta. Rosa at PITX papasok ng city line, bago ipatupad ang amended road line ng mga provincial buses.
Ayon sa MMDA, simula Agosto 6 o 7, ay kailangang dumaan ng mga provincial buses sa integrated bus terminals para makuha ang kanilang pass para makadiretso sa EDSA, alinsunod sa bagong franchise road line ng LTRB.
Kapag walang pass at nahuli, sila'y titiketan ng out of line, na P5,000 para sa operator at P1,000 para sa bus driver.
Sinabi ng MMDA na magkakaroon sila ng pakikipag-usap sa mga bus operators at public information drive mula Agosto 1 hanggang Agosto 6 o 7.
Nilinaw ng MMDA na hindi muna nila tuluyang ipatutupad ang provincial bus ban, pero simula sa Agosto 6 o 7 kailangan simulan ng mga provincial buses ang pagdaan sa integrated bus terminals para makasanayan nila ito. —LDF. GMA News
