Kahit noong Agosto 21 pa nakalaya ang 72-anyos na si David Nava matapos makinabang sa kontrobersiyal na Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, nananatili pa rin siya sa paligid ng National Bilibid Prison (NBP) dahil wala siyang mapupuntahan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, natiyempuhan daw si Nava na nakaupong mag-isa sa isang gilid na may hawak na bag.
Dito nakalagay ang pinakaiingat-ingatan niyang Certificate of Discharge from Prison na may petsang August 21, 2019.
Sabi ni Nava, napakasaya niya at napaiyak pa nang ibigay sa kaniya ang kapirasong papel na nagpapatunay na makalalabas na siya ng Bilibib.
Taong 1999 nang makulong siya sa kasong pagpatay.
Mas napaaga ang kaniyang paglaya matapos siyang makasama sa halos 2,000 preso na nakulong dahil sa karumal-dumal na krimen na nakinabang sa GCTA law.
Pero mula nang mapalaya, nanatili lang siya sa paligid ng Bilibid; nakikitira at nakikitulog.
Wala raw siyang pamasahe pauwi ng probinsya nila sa Isabela. Naubos na rin daw niya sa pagkain ang ibinigay sa kaniya ng Bureau of Corrections na P1,037.
Para matustusan ang kaniyang pangkain at makaipon ng pamasahe, nagtitinda siya ng gulay sa labas ng Bilibid.
Pero dahil sa nakaraang utos ni Pangulong Duterte na ibalik sa kulungan ang mga presong sangkot sa karumal-dumal na krimen na nakalaya sa GCTA, hindi malayong bumalik sa loob si Nava.
Sa ilalim daw kasi ng GCTA law, hindi dapat kasama sa mga magbebenepisyo ang mga nahatulan ng karumal-dumal na krimen.
Wala namang problema sa naturang utos si Nava.
"Balik po ako. Wala akong magawa kung pabalikin. Magtago ako lalo, pagka-nabaril ka pa diyan. Sa loob, buhay ako, walang kalaban," paliwanag niya.
Ayon sa ulat, sinabi ng BuCor na mayroon nang nakatalagang opisina sa pitong penal colony sa buong bansa para doon magreport at magpunta ang mga napalayang inmate bago silang tuluyang ibalik sa kulungan.-- FRJ, GMA News
