Tinupok ng apoy ang 150 stalls sa Galas Public Market sa Brgy. San Isidro, Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy ang karamihan sa mga stall.

Apektado ang kanang bahagi ng palengke partikular ang dry goods section.

Tupok na tupok ang mga panindang damit, cellphone accessories, grocery, at iba pa.

Hindi naman nadamay ang wet market.

Kanya-kanyang salba ng mga paninda ang mga tindero. Ayon sa ilang nagtitinda, nagising na lang sila na may pumuputok. Malaki na rin daw ang apoy at makapal na ang usok.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa tindahan ng damit.

Isa raw sa tinitingnang posibleng sanhi ng apoy ang illegal wire connection.

Isang fire volunteer ang nagtamo ng second degree burn habang isa ang nahirapan huminga.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na naapula bandang 6:31 a.m.

Tinatayang umabot sa P250,000 ang initial structural damage. —KBK, GMA News