Hindi kabayo, hindi motorsiklo at hindi rin sasakyan ang karera na nagaganap sa ilang lansangan sa Tondo, Maynila kamakailan kundi karera ng mga taong nagpapaunahan sa pagtakbo.

Sa cellphone video na ibinigay ni Poyski Nicolas, makikita ang paghahanda ng runners sa gitna ng Jose Abad Santos Avenue bago magpaunahan sa pagtakbo. Makikita rin ang dami ng taong nanonood sa kanila na humambalang na rin sa kalsada.

Sa CCTV naman ng Barangay 227 sa Tondo, nakuhanan din ang karera noong Miyerkoles ng gabi.

Makikita ang unti-unting pagdami ng mga tao sa kalsada hanggang sa dumating ang mga nagpapaunahang runner.

Rumesponde naman ang Manila Police District Station 7 sa lugar, pero ang mga tao na lang ang naabutan nila at hindi ang runners.

Ayon sa duty officer ng MPD Station 7, nang mapansin ng mga roving na pulis ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kanto ng Abad Santos Avenue at Antipolo St., dito na nila tinignan ang lugar.

Pinaalis na lamang daw nila ang mga tao dahil obstruction sila sa kalsada.

May nakapagsabi raw sa kanila na online ang betting sa karera ng mga tao sa pagtakbo.

Illegal gambling daw ito kung tutuusin pero hangga’t wala raw silang ebidensya na may online betting dito ay hindi naman daw nila masasampahan ng reklamo.

Posible raw na mapasok ito sa paglabag lang sa city ordinance dahil sa pagiging obstruction nila sa kalsada.

Nitong Huwebes ng gabi naman sa Moriones St. ay nagkaroon din ng kaparehong karera. Mabilis lang ito na tumatagal lang ng halos dalawang minuto kaya’t hindi na rin sila inabutan ng mga pulis.

Pinaalis na lamang ng mga pulis ang mga mga taong nanood.

Pero maya-maya pa, nagkaroon ulit ng kumpulan ng mga tao sa Road 10. Ipinagbigay alam namin ito sa mga pulis kaya’t pagdating nila, agad nagpulasan ang mga tao.

Sa Facebook page na “KNT Karera ng tao” naman unang nakita ng GMA News ang mga video ng karera ng mga tao na inupload ng kanilang mga miyembro.

Samantala, isang karera naman ng pantricycle o “pantra” ang naganap pasado 2 a.m. sa Bonifacio Drive pero ayon sa source wala raw pulis sa lugar kaya’t naisagawa ang karera.

Nang tawagan namin ang MPD Station 5 sinabi ng kanilang desk officer na wala raw silang na-monitor o narespondehang ganung insidente.  —KBK, GMA News