Isinisi ni Pasig Mayor Vico Sotto sa National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit naging "politicized and sensationalized" ang isyu sa pagitan nila.

Sa tweet ng bagitong mayor nitong Huwebes, sinabi ni Sotto na NBI ang nag-leak sa media ng sulat nito na nagpapatawag sa kaniya para magpaliwanag sa umanoy paglabag sa quarantine rules. Dagdag pa niya, may kasama pang media ang NBI nang ihatid ang sulat sa kaniyang opisina.

"Acc to NBI Deputy Dir. [Ferdinand] Lavin, the issue has been 'politicized and sensationalized... I agree. But with all due respect sir, pls stop and think why it reached this point," saad ni Sotto.

"Side niyo ang nag-leak ng kopya ng sulat sa reporter. Nagpa-receive tao niyo sa opis ko, may kasama pang media," dagdag pa niya.

Sa kabila nito, nagpasalamat si Sotto sa "overwhelming support" na natatanggap niya sa publiko nang lumabas ang ulat na ipinatatawag siya ng NBI, pero sabi niya, "'wag na po sanang gamitin ang isyu na 'to para sa politika."

"Panahon po ngayon ng KRISIS. Mula brgy hanggang nasyonal, kailangan maganda ang pakikipag-ugnayan," aniya.

Nitong Miyerkoles, inaabutan si Sotto ng ahensya ng "invitation letter" na hinihimok siyang magpaliwanag sa paglabag umano sa direktiba ng nasyonal na pamahalaan sa pagpapatupad ng quarantine sa kabila ng health crisis na dulot ng COVID-19.

Ito ay matapos daw payagan ni Sotto ang pagbiyahe ng mga tricycle sa kaniyang lungsod sa kabila ng Luzon-wide public transportation ban para maghatid ng health workers at iba pang frontliners sa kani-kanilang mga trabaho.

Ani Sotto, sumunod din agad siya sa polisiya matapos siyang pagsabihan ng mga nakatataas na opisyal na maghanap ng ibang alternatibo sa paghahatid ng mga frontliner sa kanilang mga trabaho. --Jamil Santos/KBK, GMA News