Ipinaalala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga online seller na dapat ilahad nila ang presyo ng kanilang produkto at hindi ipinapadala sa private message ng interesadong bumili.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkules, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na nakasaad sa Republic Act No. 7581 o Price Act, na isang uri ng profiteering ang pagbebenta ng produkto nang walangprice tag.

“May specific provision doon [sa Price Act] na magiging profiteering siya kung ang produkto ay walang nakakabit na price tag,” ani Castelo.  “Kapag in-advertise or you offer it for sale tapos walang price tag, that’s profiteering.”

Bukod sa Price Act, nakasaad sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act na , “it shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without discrimination to all buyers.”

“Hindi ipi-PM (personal message) at hindi sikreto [ang presyo],” ayon sa opisyal.

Sa panayam naman ng GMA News sa telepono, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, na nakasaad sa Price Tag Law, na dapat ipakita ng nagbebenta ang presyo ng produktong kaniyang ipinagbibili.

“Tulad din ng pagbenta sa regular groceries or sa shelves ay may price tag. So dapat ito rin ay naka-tamang presyo. Hindi puwede yung nakuwento ninyo na piso or P12345, ganyan. Hindi puwede yon. Dapat ‘yung actual price ang i-indicate doon,” paliwanag  ng kalihim.

Pero ilang seller via online ang hindi nagsasabi ng presyo ng kanilang produkto at ipinapadala lang sa PM ang halaga kung may interesadong bumili.

“Sa panahon ngayon, sana wala na ho munang mga magsasamantala lalo na sa consumers. Importante, magtulungan ho tayo sa panahon ngayon na may krisis tayo,” sabi ni Lopez.

Ang mga konsumer na may reklamo sa kanilang nabiling produkto at maaaring itawag sa DTI hotline 1384.--FRJ, GMA News