Ipinakita ng isang babaeng homeless ang kaniyang kabayanihan matapos tulungan ang isang inang "Locally Stranded Individual" o LSI na mapaanak sa bangketa sa Pasay City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabi ng Pasay CDRRMO na natutulog sa bangketa ang buntis na LSI na taga-Iligan City nang mangyari ang insidente.
"Nadatnan po namin na nakalabas na 'yung baby. Medyo bluish na 'yung ulo. Tinapik ko lang po 'yung paa para umiyak," sabi ni Mark Anthony Castillo RN, EMT ng Pasay CDRRMO.
Bago pa dumating ang mga rescuer, may tumulong na sa LSI na isang homeless na nagngangalang Apple, na nakatira rin sa bangketa malapit sa buntis.
"Nangingitim na nga siya eh kasi nanginginig na siya eh, buong katawan. Pag-iri niya, tinulak ko, lumabas 'yung ulo. Eh hininto niya, naipit 'yung leeg. Sabi ko 'Naku huwag ganiyan, ituloy mo' sabi ko sa kaniya," kuwento ni Apple.
"Alam ko kasi parang napagod na siya sa kaiire. Pagbilang ko ng tatlo, tinulak ko na ulit 'yung bata. Pagtulak ko lumabas na lahat," dagdag ni Apple.
Natutunan daw ni Apple ang magpaanak mula sa kaniyang ina na dating kumadrona.
Ayon sa kaniya, hindi niya gaanong kilala ang tinulungang LSI dahil apat na araw pa lang itong natutulog sa bangketa, kung saan din siya pansamantalang nakatira.
"Nanay na rin po ako eh. Alam kong mahirap 'yung nagle-labor tsaka nanganganak lalo na rito sa labas," sabi ni Apple.
Agad namang isinakay sa ambulansiya ang bagong silang na sanggol at ang ina. Kasalukuyang silang nasa Pasay City General Hospital ang mag-ina kasama ang kanilang padre de pamilya.
Ilalapit ng CDRMMO ang mag-ina sa Pasay Social Welfare Department para mabigyan ng tulong.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
