Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, parehong nanguna sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Pangulong Rodrigo Duterte sa mga posibleng tumakbong pangulo at bise presidente sa Eleksyon 2022.
Sa survey na ginawa noong June 7 hanggang June 16, nakasaad na nakakuha ng 28% na suporta si Mayor Sara mula sa 2,400 adult Filipinos na tinanong kung sino ang nais nilang maging susunod na lider ng bansa sa darating na halalan.
Sumunod sina Manila Mayor Francisco Isko Moreno [14%], dating Senador Ferdinand Marcos Jr. [13%], at Senador Grace Poe [10%].
Kasama rin sa listahan sina Senador Manny Pacquiao [8%], Vice-President Maria Leonor Robredo [6%], at Senador Panfilo Lacson [4%].
Nasa listahan din sina Senador Bong Go [3%] dating vice president Jejomar "Jojo" Binay, dating Speaker Alan Peter Cayetano at dating Sen. Antonio Trillanes IV, na nakakuha ng tig-2%.
Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Sen. Richard Gordon, dating Associate Justice Antonio Carpio, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, at dating Defense Secretary Gibo Teodoro.
Sa Second Choice Presidential Preference ng survey, nanguna pa rin si Mayor Sarah na sinundan nina Poe, Marcos, Pacquiao at Go, sa top five ng listahan.
Sa mga posibleng tumakbong bise presidente, nanguna sa listahan si Pres. Duterte na may 18% na puntos.
Sumunod sa kaniya sina Mayor Isko [14%], Senate President Vicente Sotto III [10%], dating Sen. Marcos [10%], Sen Pacquiao [9%], dating Speaker Cayetano [8%], at Sorsogon Governor Francis Escudero [7%].
Nasa listahan din sina Senador Bong Go [5%], 'Wowowin' host Willie Revillame [4%] at Senador Sonny Angara [3%].
Kapuwa tig-2% naman sina Trillanes at Public Works Secretary Mark Villar at 1% si Teodoro.
Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Rep. Alvarez at human rights lawyer Chel Diokno.
Sinabi ng Pulse Asia na face-to-face interviews ang paraan ng survey para sa 2,400 adult Filipinos na botante, at may ± 2% error margin na may 95% confidence level.
"Subnational estimates for each of the geographic areas covered in the survey (i.e., Metro Manila, the rest of Luzon, Visayas and Mindanao) have a ± 4% error margin, also at 95% confidence level," ayon pa sa poolster. —FRJ, GMA News

