Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng ex-boyfriend ng kaniyang nililigawan umano na nag-amok at sumugod sa apartment ng dalaga sa Pasig City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa isang video ang pagwawala ng lalaking kinilalang si Paul Vincent Miranda o Bochok, dating nobyo ni Jessica May Chua.

Nangyari ang insidente hapon ng Huwebes sa apartment na inuupahan ng dalaga sa Bgy. Manggahan.

Ilang saglit pa, nasira ni Miranda ang pinto at dito nagpaikot-ikot ang kuha ng cellphone video.

"This person, sumisigaw na siya sa baba ng apartment ko. Eventually kasi naging friends naman din kami..." sabi ni Chua.

"I don't know. Baka dahil hindi na namin siya pinapapasok... At this point sinabi ko naman sa kaniya na umiiwas na ako sa kaniya," sabi ni Chua tungkol sa dahilan umano ng pagwawala ni Miranda.

Nang makapasok si Miranda sa apartment, dito niya pinagsasaksak si Jordan Daos, 26-anyos at service crew supervisor, at kaibigan umano ni Chua na bumisita lang sa kaniyang apartment para mananghalian.

Hindi nahagip ng camera ang pananaksak, pero makikitang duguan na si Daos.

Base sa paunang imbestigasyon ng Pasig Police, nanliligaw ang biktima kay Jessica.

Patuloy na inaalam kung selos ang motibo sa panunugod ng suspek.

Itinanggi naman ng mga kaanak ni Daos na nanliligaw ang biktima sa dalaga at magkaibigan lang sila.

Isinugod sa Pasig Doctors Medical Center si Daos pero binawian ng buhay matapos tamaan ang kaniyang major artery sa hita at dumanas ng matinding pagdurugo.

Binalikan ng GMA News ang crime scene kung saan bakas pa rin ang mga bahid ng dugo sa iba't ibang bahagi ng apartment unit.

Makikita rin na sira ang mga kandado at sira din ang dingding.

Nagkasa ng manhunt operation ang Pasig Police laban sa suspek. —LBG, GMA News