Sinampahan na ang reklamong murder ang pulis na nakapatay sa isang traffic enforcer sa Quezon City na napagkamalan niyang magnanakaw ng motorsiklo, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

“Nai-file na ang kaso sa piskalya kahapon ng gabi. Hinihintay natin ang magiging resolusyon ng piskal. Murder ang ikinaso natin doon sa pulis,”  pahayag ni QCPD  chief Police Brigadier General Nicolas Torre III sa interview sa Dobol B TV.

Dagdag ni Torre, ang suspek na si Police Lieutenant Felixberto Rapana Tiquil ng Manila Police District Anti-Carnapping Unit (MPD-DACU), ay hindi sinunod ang operational procedures sa paggamit ng service firearm.

“Wala akong nakitang justification para gamitan ng baril at patayin yung tao na yun o sugatan lang," pahayag ni Torre.

Nagtamo ng mga tama ng bala si dating traffic enforcer Edgar Follero sa dibdib at sa braso, pahayag ni Torre sa hiwalay na interbyu sa radyo.

Batay sa naunang pahayag ni Tiquil, sinabi ni Torre na sinundan ng suspek si Follero at ang kasama nito habang itinutulak mula Maynila hanggang Quezon City ang isang motorsiklong nasiraan.

Idinagdag din ni Torre na ayon sa Manila Police District (MPD) walang naka-record na operation order hinggil sa insidente.

Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Follero, batay sa ulat ng GMA News Unang Balita. 

“Wala pong kalaban-laban yung asawa ko. Pinagbabaril siya ng pulis. Hindi po siya binigyan ng pagkakataon para magpaliwanag. Pinagbintangan lang po siya na carnapper,” giit ng asawa ni Follero na si Charilyn Pagsibingan.

“Grabe, basta na lang daw pinaputukan yung anak ko . Walang kaabog-abog. Di ba pulis sila, dapat manmanan. Pinadapa nila, [pinataas] yung dalawang kamay. Ang hirap, ang sakit,” pahayag naman ng ama ni Follero.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pamilya ng biktima, at nangako ng hustisya.

“On behalf of the entire Quezon City local government, I would like to offer our sincerest and most heartfelt sympathies to the family of our slain traffic enforcer, Edgar Abad Follero,” ayon sa statement ni Belmonte.

Tumulong lamang umano si Follero sa isang delivery rider na nasiraan ng motor, dagdag ni Belmonte.

“Before he was killed, Edgar was known to be a helpful, friendly, and dutiful member of the Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS). Indeed, his last minutes were spent assisting someone in need, specifically a delivery rider whose motorcycle had broken down,” giit ni Belmonte.

Nakadetine si Tiquil sa Camp Karingal mula nang boluntaryong sumuko sa mga pulis matapos ang insidente. —LBG, GMA News