Na-hulicam ang panghoholdap sa isang bakery sa Barangay Culiat sa Quezon City ng isang lalaking suspek nitong Sabado.

Ang suspek, na naaresto rin nitong Sabado, ay napatay matapos umanong agawin ang baril ng isang pulis, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Linggo.

Nakilala ang suspek na si Jose Palmares Jr.

“Nalingap ‘yung isa sa mga bantay…Ay bigla na lang, hindi naman siya ‘yung involved na bantay du'n, nadamba, nakuha ang baril niya. Eh napilitan ang mga pulis natin na barilin siya,” ani QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

“Hindi naman natin kagustuhang patayin ‘yung tao na ‘yan. Nagkataon lang talaga na tawag ng pagkakataon. Dinala namin sa ospital, chine-check namin ang sitwasyon…Dead on arrival yata kanina,” dagdag niya.

 

 

 

Ayon kay Torre, nagsagawa ng holdap ang suspek sa isang bakery sa Congressional Avenue bandang alas-kuwatro ng hapon nitong Sabado.

Sinaksak nito ang kahera na nanlaban naman gamit ang thong na pangkuha ng pandesal.

“‘Yung cashier, may mga sugat pa nga, dahil pinagsasaksak niya kahapon. Nag-attempt siyang saksakin. Buti na lang…naitulak siya, napalo rin siya ng thong. Kahapon, ang away ng dalawang ‘to, holdaper at saka nagbabantay—kutsilyo laban sa thong o pangkuha ng pandesal,” ani Torre.

Nakatakas ang suspek matapos kunin ang pera sa bakery.

Naaresto naman ito sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis nitong Sabado.

Samantala, dumulog sa QCPD ang nagpakilalang dating employer ng suspek.

Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, nanilbihan bilang driver si Palmares sa dati nitong employer na isang retiradong abogado.

Kuwento ng dating employer, tinulungan pa raw niya ang suspek na mapag-aral ang mga anak nito.

Ayon sa kanya, nagbago ang ugali ng suspek dahil umano sa impluwensiya ng mga kaibigan.

Matapos mawala ang apat na reserbang gulong na may mag wheels, dalawang bisikleta at ilan pang mga gamit sa kanilang bahay ay nagpasya ang dating employer na sibakin sa trabaho ang suspek. —KG, GMA Integrated News