Isang lalaking na 29-anyos ang nasawi matapos niyang tangkain na sagipin ang dalawang menor de edad na una umanong pinaniniwalaang nalulunod sa dagat sa Iligan City.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing agad na rumesponde ang mga rescuer mula sa Iligan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at mga pulis upang hanapin at sagipin ang lalaki na nalunod sa isang beach resort sa Barangay Sta. Filomena noong Biyernes ng hapon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinubukan umano ng lalaki na iligtas ang dalawang batang lalaki na edad walo at pito, na unang tinatangay ng malalakas na alon.

Ayon kay Iligan City Police Office (ICPO) Spokesperson Major Zandrex Panolong, suspendido noon ang klase at sinamantala ang pagkakataon ng mga bata na parehong lalaki na maligo sa beach kasama ang kanilang mga kaanak.

Maaring napunta umano sa malalim na bahagi ng dagat ang mga bata pero nasagip din sila ng mga kaanak at ibang naliligo sa beach.

Samantala, nakita naman ang katawan ng biktimang nasawi pagkaraan ng tatlong oras.

Sinabi ni Panolong na may naitatalang pagkalunod sa lugar dahil napapabayaan ng ilang magulang ang kanilang mga batang anak. -- FRJ GMA News