Matapos ang tatlong sunod na linggong taas-presyo, may aasahan naman ngayon na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Kung magkano, alamin.
Nitong Biyernes, inihayag ni Department of Energy - Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero, na maglalaro ang inaasahang tapyas sa presyo sa mga produktong petrolyo sa mga sumusunod:
Gasoline — P0.70 to P1.00 per liter
Diesel — P0.20 to P0.55 per liter
Kerosene — P0.40 to P0.50 per liter
Sa abiso nitong Biyernes, sinabi ni Romero na ang naturang pagtaya sa presyo ay batay umano sa galaw ng international trading sa mga produktong petrolyo sa nakalipas na apat na araw.
Kabilang umano sa nakaapekto sa magiging paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang pagbubukas muli ng refineries at pantalan sa US Gulf Coast noong Miyerkules dahil sa winter storm.
Ikinukonsidera rin umano ng merkado ang planong pagpapataw ni United States President Donald Trump ng taripa na makakaapekto sa global economic growth maging sa pangangailangan sa enerhiya.
Idinagdag ng DOE-OIMB na malalaman ang final adjustments sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Biyernes, January 24 na huling araw ng international trading ngayong linggo.
Sa datos ng GMA Integrated News Research, lumitaw na umabot sa P3.45 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina sa tatlong sunod na linggong oil price increase ngayong unang buwan ng 2025.
Mas mataas naman sa diesel na nasa P5 per liter, habang P4.30 per liter naman sa kerosene. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News