Isang 22-anyos na babaeng naglalakad sa kalye ang bigla na lamang sinunggaban at tinangka umanong molestiyahin ng isang lalaki sa Caloocan City.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang biktima na naglalakad sa Barangay 152 dakong 7 p.m. nitong Lunes.

Ilang saglit lang, bigla siyang sinunggaban ng isang lalaki at tila pinupuwersa ng lalaki na mahablot ang suot na pantaas ng babae, habang pilit na lumalaban ang biktima.

Habang sa napatumba na ang babae sa kalye, at nilundagan siya ng lalaki na patuloy sa pag-atake sa biktima.

Mabuti na lang at may isang off-duty na barangay tanod na napadaan sa lugar at sinita ang lalaki na kaagad lumayo.

"Nagbubunuan eh, akala ko mag-asawa. Hindi ko ho kilala 'yung lalaki at 'yung babae, akala ko dayo lang. Akala ko kinukuha 'yung bag. Noong bumagsak 'yung bag, hindi naman 'yun ang kinuha. Noong nakikita kong... nilapitan niya pa, doon na ako lumapit sa kaniya. Paglapit ko, 'yun, tumakbo na siya," sabi ni Reynaldo Alfonso, tanod ng Brgy. 152.

Nagawa pang makatayo ng babae at kinuha ang kaniyang bag at cellphone saka tumakbo paalis.

Nagpunta rin ang biktima kalaunan sa barangay at police station upang magsumbong.

Tinangka pang habulin ng tanod ang suspek, ngunit nakatakas ito.

"Based doon sa CCTV footages and statement ng witnesses and doon sa statement ng victim natin, pinilit siyang sirain 'yung damit niya hanggang sa mapatumba siya. At noong tumumba na siya, sinugod ulit siya at gusto siyang molestiyahin ng suspek," sabi ni Police Captain Mikko Arellano, Bagong Barrio Police Substation Commander.

Hindi magkakilala ang suspek at biktima, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

"Random, kaya medyo nakaka-bother. Kaya nga [binabalaan] natin ang mga kababayan natin na maging aware sa lahat ng lugar na pupuntahan nila. Inaalam pa rin naman namin kung ano ang motibo ng ating suspek, bakit niya ginawa 'yun doon sa ating victim," sabi ni Arellano.

Sinabi pa ng pulisya na tukoy na ang suspek na nagtatago na umano, at posibleng maharap sa reklamong acts of  lasciviousness, physical injuries at sexual harassment.

Patuloy na hinahanap ng mga pulis ang suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News