Natangay ng isang scammer na nagpanggap na delivery rider ang isang tablet na ibinebenta online sa halagang P18,000.00 sa Santa Ana, Maynila. Ang suspek, humingi pa ng pambayad sa gas para ibalik niya ang item.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage ang pag-pickup sa tablet ng scammer na nagkunwaring delivery rider.

Sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Jack," na Enero 22 nang may bumili sa ibinibenta niyang tablet online.

Nag-video call pa sila ng buyer at nagkasundong ibebenta ang tablet sa halagang P18,000. Ngunit hiniling ng buyer na siya ang magbo-book ng delivery rider para makuha ang item.

Nagpakita pa ang buyer ng lisensiya ng ka-book niyang delivery rider.

Ngunit hindi kaliwaan ang bayad dahil sinabi ng buyer na ipadadala niya ang bayad kapag nakuha na ng rider ang tablet mula sa seller na si Jack.

Nang makaalis na ang inaakalang rider na dala ang tablet, walang natanggap na bayad si Jack.

"Hindi na po masyado nag-chat sa akin si suspek. Pero nag-usap po kami ni rider which is ang sinabi sa akin ni rider is i-text niya daw po ako through mobile number. Ang akala ko po na itini-text ko ngayon is si rider. 'Yun pala si suspek na po which is the scammer. Ang sabi naman po ni rider sa amin, ang akala niya is kami 'yung kausap niya pero 'yun pala, si suspek," sabi ni Jack.

Tanging pinanghawakan ng biktima ang driver's license ng nagpakilalang delivery rider na taga-Makati.

Nagtungo si Jack sa barangay at nakausap ang isang kagawad na kakilala umano ng delivery rider.

Nang kausapin ng kagawad sa cellphone ang nagpakilalang delivery rider, humingi ito ng pang-gas para ibalik ang tablet. Kaya naman nagpadala sila ng P400 gamit ang online payment.

Gayunman, walang dumating na rider, wala na rin ang tablet, at wala na rin ang ibinigay na pang- gas.

Dito na naghinala ang kagawad kaya pinuntahan na niya kinabukasan ang delivery rider sa address niya mismo sa Makati.

"Noong sila naman nag-investigate, nalaman na hindi naman siya lumalabas ng bahay, 'yung nasa picture ng license. Doon namin nalaman na parang scam. Sabi ko, 'Nakita mo ba 'yung mukha? Binuksan ba 'yung helmet noong ibinigay sa inyo 'yung ID?' Sabi, hindi. Sabi ko, 'Baka parang na-scam yata kayo ah," sabi ni Kagawad Jonjon Libao ng Barangay Valenzuela, Makati City.

"Ginamit ng scammer 'yung picture nu'ng kakilala ko. Kasi nu'ng pinuntahan namin 'yung kakilala ko, hindi naman daw siya lumalabas ng bahay," dagdag ni Libao.

Nagkausap sina Jack at totoong rider na may-ari ng ID. Na-block na rin umano si Jack ng buyer scammer, kaya ni-report niya na rin ito sa Manila Police District at Cybercrime Unit ng PNP sa Camp Crame.

"Alam kong marami ka nang biktima at hindi lang ako. Pero ang tatandaan mo, kahit wala man kami magawa sa'yo, pero bahala ng Panginoon sa'yo kung anong gagawin sa'yo," mensahe ni Jack sa scammer. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News