Arestado ang 29-anyos na lalaki matapos umanong manutok ng baril sa Brgy. Tonsuya sa Malabon City. 

Ayon sa pulisya, nagkataon na rumoronda sila sa lugar nang mangyari ang insidente.

“While conducting patrolling sir lumapit po sa amin yung complainant, sinabi po na may nanakot sa kanya, tinutukan po siya ng baril. Agad agad naman po kami rumesponde sa area at doon nalaman namin na hawak-hawak niya yung baril kaya agad namin siya inaresto,” ani Police Lieutenant Ryan Polca, ang sub-station 5 deputy commander ng Malabon City Police. 

Nakuha mula sa suspek ang baril na kargado ng pitong bala. 

 

Ang baril at mga bala na nakumpiska mula sa suspek. JAMES AGUSTIN/GMA Integrated News

 

 

Wala siyang maipakitang kaukulang dokumento.

“Upon verification yung baril ay hindi po lisensyado at hindi rin po holder license yung suspek. Isusubmit po namin yung baril sa NPD Forensic Unit for ballistics examination para malaman sir kung nagamit pa ito sa ibang krimen,” dagdag ni Polca. 

Taong 2013 nang masangkot sa pamamaril ang suspek at nakasuhan ng murder. 

Kalalaya lang niya Hunyo noong nakaraang taon. 

“Abogado ko na lang po yung bahalang magsalita sa akin,” sabi ng suspek nang tanungin kaugnay sa kanyang pagkakaaresto. 

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong grave threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. —LDF/KG, GMA Integrated News