Timbog ang isang tricycle driver dahil sa pananagasa sa isang pulis na pumara sa kaniya sa Comelec checkpoint sa San Marcelino, Zambales.

Ang pulis, nagtamo ng pilay sa kanang binti.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB, iniulat ni Police Regional Office III Regional Director Police Brigadier General Jean Fajardo na sinubukang umiwas ng tricycle driver sa checkpoint matapos makita ang mga pumaparang awtoridad.

 



Dahil dito, isa sa mga pulis ang humabol sa tricycle driver. Ngunit imbes na huminto, mabilis niyang pinatakbo ang kaniyang tricycle.


Sinubukan itong harangin ng pulis ngunit nasagasaan at napilayan siya sa kanang paa.

Inihayag ni Fajardo ang kaniyang pagkondena sa insidente at itinuring pag-atake sa peace and order ang ginawa ng tricycle driver.

Bukod sa pagpapatupad ng gun ban, sinusuri rin ng mga awtoridad sa mga Comelec checkpoint kung may wanted persons o mga taong may kaso.

 

—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News