Nailigtas ng mga awtoridad sa Parañaque City ang isang 14-anyos na Chinese student na dinukot dahil sa kaniyang posibleng kaugnayan sa POGO.Sa ulat ni Jun Veneracion sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing sinagip ng mga tauhan ng Philippine National Police - Anti-Kidnapping Group ang binatilyong Chinese na nag-aaral sa isang exclusive school.Pebrero 20 nang dukutin siya paglabas ng kaniyang paaralan sa Bonifacio Global City sa Taguig.Martes ng gabi nang masagip ang estudyante sa Parañaque.Ayon sa Philippine National Police, dating nasa POGO business ang ama ng binatilyong Chinese, at posibleng isa na naman itong "Chinese vs. Chinese" na kidnapping.Batay sa datos ng PNP Ant-Kidnapping Group, 10 ang insidente ng kidnapping na mga Chinese ang biktima at mga kapwa Chinese rin ang mga sangkot sa kidnapping, mula Enero 2024 hanggang nitong Pebrero.Maliban sa pagiging may kaugnayan sa POGO, isa ring big-time na e-seller ang ama ng biktima ng samu't saring merchandise, na kasama sa mga anggulong iniimbestigahan ng PNP-AKG.Sinabi ni PNP Acting Public Information Chief Colonel Randulf Tuaño na nasagip ang estudyante nitong Martes matapos siyang abandonahin umano ng mga kidnapper sa Parañaque City dahil sa mga pressure na tumutugis na pulis at militar.Nasa isang ospital ang nasagip na biktima para sa kaniyang medical examination.Nasundan ng pulisya ang grupo ng mga kidnapper sa tulong ng technical leads at human intelligence.Wala umanong ibinayad na ransom.Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga nasa likod ng pagdukot.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News