Nagtamo ng mga bali sa braso at katawan ang isang truck driver matapos siyang maipit sa pagitan ng dalawang container van sa Cagayan de Oro City. Ang biktima, hinihinalang umiihi sa gilid ng isang container van nang ilagay ng forklift operator ang isa pang container van sa tabi nito at doon na nadinig ang malakas na sigaw ng driver.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa isang warehouse sa Barangay Puntod nitong hapon ng Martes, July 21, 2026.
Ayon kay Paul Ampo, na isa sa mga unang rumesponde sa insidente, hinihinala niyang umiihi ang biktima sa tabi ng isa sa mga container van nang ilagay ng forklift operator ang isang pang container van sa tabi ng container kung saan naroroon ang biktima.
Nang madinig umano niya ang sigaw, napasilip siya sa siwang sa pagitan ng dalawang container van at nakita niya ang biktima. Kaya naman tinawag niya ang pansin ng forklift operator upang iatras ang isang container at makuha ang driver.
Ligtas naman ang biktima pero nananatili siyang nagpapagaling sa ospital dahil sa tinamong mga bali sa kaniyang braso at mga tadyang.
Napagpasyahan din umano ng biktima na huwag nang magsampa ng reklamo matapos silang magkasundo ng operator ng forklift.—FRJ GMA Integrated News
