Ibinahagi ni Ice Seguerra ang journey sa pagpaplano nila ni Liza Diño na magkaroon ng sarili nilang anak. Pero nang lumipas ang panahon, napagtanto nila na malabo itong mangyari.
Sa nakaraan niyang guesting sa “i-Listen with Kara David,” binalikan ni Ice ang pag-uusap nila ni Liza noon pang 2013 kung gusto nilang magkaroon ng baby sa paraan ng in vitro fertilization.
“She said yes, and then 2013, and then siyempre medyo na-move nang na-move kasi feeling namin bata pa kami. [Year] 2016 was the time that we both entered government,” kuwento niya.
Edad 35 noon si Ice nang masimulan ang proseso ng in vitro fertilization at nai-harvest ang kaniyang mga itlog. Gayunman, hindi naging maganda ang resulta.
“Kasi nga, ganu’n daw pala ‘yun. Kapag nag-35 ka, significantly bababa ‘yung [quality ng eggs]. Isipin mo, tatlo lang ang nakuha sa akin.”
Dagdag dito, marami pang doktor ang nag-aalangang gawin ang proseso.
“And the laws, the laws that we have here, sobrang restrictive. Or not even laws, kasi ang sinasabi sa amin nu’n was, the doctors can't do it because it was unethical,” kuwento ni Ice.
Isa pang hamon ang oras nila sa trabaho, lalo noong pareho silang mga nasa ahensiya ng gobyerno.
“Hindi lang naman siya, o punta tayo overnight, ha? Hindi siya ganu’n eh. So na-move nang na-move, na-move,” patuloy niya.
Kalaunan, tila tinanggap na nina Ice at Liza na hindi sila magkakaanak.
“And then, nandito na rin kami sa point na, I'm 43, she's 45. Parang... I don't think it's wise. I mean, we already have one. We have Amara, who's already 18. So parang ngayon, siguro that's something that's not for us in this lifetime,” patungkol ni Ice sa anak ni Liza sa una nitong asawa.
Ayon kay Ice, tatlong-taong-gulang lang noon si Amara nang maging karelasyon niya si Liza.
Pagtawag na ‘dad’
Ikinuwento rin ni Ice ang proseso kung paano siya natanggap ni Amara na tawaging dad.
“Ang ganda rin ng naging journey namin ng daughter ko. Kasi from ate, tawag niya sa akin. Tapos gusto niya ako tawagin tita. Sabi ko, ‘Utang na loob, huwag mo akong tatawagin tita,” ani Ice.
Ayon kay Ice, hindi niya ipinilit na siya ang tumayong ama.
“Basta sabi ko sa sarili ko nu’n, I will not impose. Kasi her dad, who's in the States, is very much involved. And parang, you know, it's something that shouldn't be imposed. Whenever she feels like calling me dad, then, I welcome that,” patuloy niya.
Kalaunan, dumating din ang oras na ito.
“So parang, biglang out of the blue, nasa kotse yata kami, and she was like, ‘Baba, can I just call you dad?’ So parang ako, siyempre, pa-nonchalant naman ako. ‘Yeah, of course.’ Sabi ko, ‘Yay! (pumalakpak),’” patuloy niya.
Pag-amin niya, medyo naging emosyonal siya noong mga sandaling iyon.
“Muntikan na. Medyo, nangingilid na.”
Natuwa pa si Ice na naabutan pa ng kaniyang mga magulang si Amara.
“Amara had moments with my parents na, na-feel nila na may apo sila, at least from me. Alam mo yun? So, ang sarap lang,” sabi ni Ice. – FRJ GMA News
