Isang lineman ang nasawi matapos siyang makuryente habang nag-aayos ng linya ng kuryente at mahulog mula sa bucket truck sa Tuguegarao City, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Michael Fernandez, residente ng Solana, Cagayan, at lineman ng Cagayan Electric Cooperative.

Ayon sa tagapagsalita ng kompanya, napatay naman ang lahat ng linya ng kuryente nang nagtatrabaho ang biktima, pero hindi napansin na may isang residente ang gumamit ng generator.

Dahil dito, nagkaroon umano ng tinatawag na “back feed” ng kuryente na naging sanhi ng pagkakakuyente ng biktima, at nahulog mula sa bucket truck.

Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi na siya umabot nang buhay.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News