Patay ang isang 72-anyos na lalaki na nakainom at nakatulog umano matapos sumiklab ang isang sunog Biyernes ng gabi sa Santa Mesa, Maynila.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ito ang ibinahagi ng asawa ng senior citizen na biktima.

Tinangka umano siyang gisingin at iligtas ng kanilang apo, ngunit dumilat lang ang biktima at hindi na nakabangon.

Apektado ang anim na bahay, at umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naapula pasado 10 p.m.
Nasa P250,000 ang halaga ng pinsala.

Namamalagi ang nasa 80 residenteng nasunugan sa barangay daycare center.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection tungkol sa sanhi ng apoy. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News