Inihayag ng Malacañang na kasama sa iimbestigahan sa nangyaring trahediya sa departure area sa Ninoy Aquino International Airport-Terminal 1, ang mga inilagay na "bollards" o harang na bakal. Proteksiyon dapat ito para sa mga tao laban sa mga sasakyan pero hindi nangyari nang mang-araro ang isang SUV noong Linggo na ikinasawi ng dalawang biktima-- kasama ang isang bata.

Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na inilagay ang bollard noong panahon ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

''Nakakalungkot po may mga nasawi dahil sa diumanong depektibo na bollards na na-install po sa NAIA Terminal 1. At ito po, na-install sa panahon po ng dating administrasyon at sa panahon po ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ngayon po ay pinaiimbestigahan; ito po ay July 2019 noong na-install po ang mga ito,'' ani Castro.

''Pinaiimbestigahan na po kung paano po ang naging procurement pati iyong specifications, iyon po ay sa pag-uutos po ng Pangulo at ito po ay tutugunan kaagad-agad ni Secretary Vince Dizon. At pati po ang pag-i-inspect sa mga bollards at ang mabilisang pagpapalit po dito para sa safety po ng nakakarami,'' dagdag niya.

Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na layunin ng mga bollard na pigilan ang mga sasakyan na makapasok sa lugar na kinaroronan ng mga pasahero at iba pang tao.

Pero sa nangyaring insidente noong Linggo, bumigay ang bollard nang banggain ng SUV kaya nagtuloy-tuloy sa mga tao na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng nasa apat na iba pa.

Kabilang sa nasawi ang isang batang babae na kasama ng kaniyang ina na naghatid sa kanilang padre de pamilya na isang OFW na papaalis na noon upang magtrabaho sa ibang bansa.

Nang magtungo si Dizon sa pinangyarihan ng insidente, napansin niya na hindi matibay ang pagkakabaon sa bollard kaya bumigay.

Nauna nang nagpahayag si Marcos na imbestigahan ang insidente at magsagawa ng kailangang reporma upang hindi na maulit ang pangyayari.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng SUV.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News