Nasawi ang isang Pinoy mountaineer habang inaakyat ang Mount Everest na pinakamataas na bundok sa mundo. Bitbit niya sa kaniyang pag-akyat ang adbokasiya para sa paglaban sa children's cancer at pagkakaroon ng malinis na tubig ang bansa.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tinawag ng mountaineer na si Engineer Philipp "PJ" Santiago na “climb of a lifetime” ang kaniyang pag-akyat sa Everest.
“Ever since I was a child, I’ve always had this urge of wanting to see the edge and to come back and tell my story about it,” sabi niya.
Ngunit higit pa rito ang kaniyang pakay sa kaniyang pag-akyat.
“Cure children’s cancer. Climbing Mount Everest is very little compared to the battles these little warriors are facing every day. We aim to give attention and awareness to their plight and for their cause,” sabi ni Santiago.
Matagal na preparasyon ang inilaan ni Santiago para sa Mount Everest summit climb.
Kasama sa kaniyang mga paghahanda ang pagtakbo ng marathon na may layong 42 kilometro habang suot ang isang backpack na may bigat na 15 kilos.
Sumalang din si PJ sa ice at snow climb training. Nagpabalik-balik din siya ng dalawang beses sa Nepal para akyatin ang Everest Base Camp noong 2023, at isang maliit na bundok noong nakarang taon.
Nitong Abril nang tumulak pa-Nepal si Santiago para sa pag-akyat sa summit, kasama ang kaniyang pinsang si Carl Santiago bilang base camp support staff.
Bahagi si Santiago ng isang climbing group na kinabibilangan ng mga climber mula sa iba't ibang bansa.
Tinamaan ng avalanche noong nakarang linggo ang grupo ni Santiago.
Bahagya siyang nawalan ng malay at nasugatan sa pisngi, ngunit pinatuloy si Santiago sa summit push ng kanilang doktor matapos ang anim na araw na pahinga.
Sa Camp 4, huling nakitang buhay si Santiago.
May taas na mahigit 29,000 talampakan ang summit ng Mount Everest, kaya masasabing literal na nasa ibabaw ng mundo ang isang tao kapag nakarating dito.
Higit pa sa malaking hamon ng pag-akyat, may mabagsik na klima at paligid ang bundok, kasama na ang peligro ng avalanche o mabilis na pagdausdos ng niyebe.
Sa kabila nito, hindi bababa sa anim na Pilipino ang nakatapak sa tuktok noong 2006 at 2007.
Taon-taon may namamatay na climber sa Mount Everest. Batay sa datos mula sa The Himalayan Database, na nagtatala ng mga ekspedisyon sa Nepal Himalaya, nasa 340 ang namatay mula 1921 hanggang Setyembre noong nakarang taon.
Si Santiago ang unang non-local doon na pumanaw sa bundok ngayong taon.
Hindi pa rin naibababa ang kaniyang labi, at wala pang linaw tungkol sa sanhi ng kaniyang pagpanaw.
“Family, friends, supporters and sponsors, we thank you. Together, let's do this,” mensahe ni Santiago sa isang video. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
