Sinabi ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ngayong Lunes na palalawakin na sa buong bansa ang P20 per kilo rice program, na katuparan sa kaniyang pangako noong kampanya na ibababa niya ang presyo ng bigas.
"Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang bente pesos na bigas? Ito ang aking tugon,” saad sa talumpati ni Marcos sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).
"Napatunayan natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang mga magsasaka," ayon sa pangulo. "Kamakailan lamang ay matagumpay nating nailunsad ito sa Luzon, Visayas at Mindanao kagaya sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, Cebu, Bacolod, Guimaras, Siquijor, at Davao del Sur.
Sinabi rin ni Marcos na maglalaan ang pamahalaan ng P113 bilyon pondo para palakasin ang programa sa Department of Agriculture.
"Ilulunsad na natin ito sa buong bansa, sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA Stores at Centers sa iba't ibang lokal na pamahalaan," ayon kay Marcos.
"Binabalaan ko ang mga trader na magtatangkang mag-manipula ng presyo ng palay at bigas, o manloloko ng mga magsasaka. Hahabulin namin kayo, dahil ang ginagawa ninyo ay economic sabotage," paalala niya.
Unang inilunsad ang programa sa Visayas noong Abril sa 162 lokasyon para sa murang bigas na maaaring mabili ng mga nasa “vulnerable sectors” gaya ng mga senior citizen, persons with disabilities, at mga mahihirap.-- mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

_2025_07_28_17_12_46.jpg)