Malubhang nasugatan ang isang 29-anyos na lalaki matapos siyang hampasin ng kahoy sa ulo sa Happyland, Tondo, Manila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News “Balitanghali” nitong Martes, makikita ang biktima sa CCTV footage na tila may kinokompronta nang biglang sumulpot mula sa likuran niya ang suspek at pinalo siya ng kahoy sa ulo noong Biyernes.
Bumulagta ang biktima at kinalaunan ay dinala sa ospital. Ayon sa ama ng biktima, kailangang operahan ang kaniyang anak.
Ikinuwento rin ng ama, na nag-ugat ang krimen nang mabastusan siya sa pagsagot ng mga kaibigan ng suspek. Nang malaman ng anak niya ang nangyari, sinubukan siyang ipagtanggol nito.
“Ang tanong ko, bakit nakialam eh hindi naman siya [suspek] 'yung inanong tao. Intensyon talaga nilang paluin 'yun,” anang ama.
Sumuko naman kinalaunan ang suspek na 19-anyos.
Ayon sa ina ng suspek, pinagbintangan ng tatay ng biktima ang isa sa mga kaibigan ng kaniyang anak na nanakit sa kaniyang pamangkin. Pagkatapos, sinaktan umano ng tatay ng biktima, ang isa sa kanila.
Inamin naman ito ng ama ng biktima.
“Nagwawala na rin po tapos pinagbabantaan po silang babarilin isa-isa,” ayon sa ina ng suspek. “Yung anak ko po siyempre parang sabi niya nagdilim na raw po 'yung paningin niya.”
Gayunman, humingi ang ginang ng paumanhin sa pamilya ng biktima. Naghahanap umano sila ng pera para makatulong sa gastos sa ospital.
Ayon sa barangay, susubukan nilang makakuha ng private CCTV footage para malaman kung paano nagsimula ang gulo.
“Para at least magkaroon ng ano po 'yung pangyayari talaga, kung ano talaga ang puno't dulo ng pinagmulan po,” sabi ni Imelda Bermejo, desk officer ng Brgy. 105.
Nakadetine ngayon ang suspek na mahaharap sa reklamong frustrated murder.—FRJ GMA Integrated News
