Nasawi ang mga driver ng isang Sports Utility Vehicle (SUV)  at isang Asian Utility Vehicle (AUV) matapos silang magkabanggaan sa Quezon City. Kritikal naman ang lagay ng isa pang nakasakay sa AUV.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes sa CP Garcia Avenue.

Sa CCTV footage, makikita na mabilis ang takbo ng SUV sa palikong bahagi ng kalsada nang makasalpukan niya ang kasalubong na AUV na nasa kabilang linya.

Ayon sa pulisya, papunta sa University Avenue ang SUV na lumampas sa kaniyang linya sa palikong bahagi ng kalsada kaya nakabanggaan niya ang AUV.

Dinala sa ospital ang mga driver ng dalawang sasakyan pero hindi sila nakaligtas. Malubha naman ang kalagayan ng babaeng nakasakay sa AUV.

Dahil parehong nasawi ang mga driver ng dalawang sasakyan, sinabi ng pulisya na nawala na ang pananagutang kriminal sa insidente. Pinag-uusapan na lang umano ng magkabilang panig ang usapin sa civil liability. -- FRJ GMA Integrated News