Sugatan ang isang 13-anyos na binatilyo na mag-aabang sana ng prusisyon ng Poong Jesus Nazareno matapos siyang tumawid sa center island at ma-hit-and-run ng taxi sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang body cam video ng pagresponde ng isang RAHA volunteer matapos humandusay ang binatilyo sa Quezon Boulevard pasado 12 a.m.
Nangyari ang aksidente sa kasagsagan ng thanksgiving procession ng simbahan ng Quiapo.
Sinabi ni Crystian Bindo, team leader ng RAHA Volunteers at nagbigay ng paunang lunas sa biktima, tumawid sa center island ang bata patungo sa direksiyon sana ng simbahan upang abangan ang pagdating ng andas.
Wala umanong kasamang magulang ang bata.
“Kasama niya po is mga kaibigan niya po. Pagkatawid po ng bata, ‘yun po, na hit-and-run na po siya ng taxi. Deboto po ‘yung bata po,” sabi ni Bindo.
Sugat sa ulo at mga galos sa katawan ang tinamo ng bata, na agad namang nilapatan ang paunang lunas bago siya dinala sa ospital.
“Assessment namin, medyo critical po ‘yun kasi po head po siya. And ‘yun po ‘yung pinaka-delikadong part ng tao,” sabi ni Bindo.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa magulang ng bata upang maipaalam ang nangyari.
Magkakaroon naman ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng taxi driver.
Pasado 11:30 p.m. nang magsimulang gumalaw ang Andas, na mas maaga kumpara sa schedule na 12 a.m. dapat sana. Dahil dito, mas maaga ring natapos ang prusisyon.
Nakabalik sa simbahan ng Quiapo ang replika ng Nazareno dakong 1 a.m.
“‘Yung ruta parehas noong nakaraang taon pero mas mabilis ito. Primarily ang tingin namin dito nagwo-work ‘yung effort ng simbahan na pakiusapan ang mga deboto na mas maging solemn ang pagdiriwang,” sabi ni Alex Irasga, technical adviser ng Quiapo Church.
Batay sa Manila Police District, aabot sa 8,000 ang bilang ng mga deboto.
Bukod sa insidente ng hit-and-run, naging payapa umano sa kabuuan ang naging prusisyon.
“Dahil na rin po ito sa pagtutulungan ng simbahan at ng kapulisan po natin, more or less around 600 po ‘yung ating dineploy (deploy) na personnel from Manila Police District and of course from NCRPO,” sabi ni Police Captain Dennis Turla, PCP Commander, Plaza Miranda, MPD-3.
Patuloy ang paghahanda ng pulisya para sa nalalapit na Traslacion ng Pong Nazareno sa ika-syam ng Enero. — Jamil Santos/RF GMA Integrated News
