Apatnapu't apat na porsyento (44%) ng mga nasa hustong gulang na mga Pilipino ang umaasang bubuti pa ang kalidad ng kanilang buhay o mga “optimists” sa susunod na taon, batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong Nobyembre.
Samantala, 38% naman ng mga sumagot sa survey ang naramdamang walang magbabago sa kalidad ng kanilang buhay, habang 8% ang tumugong sasama pa ito, o mga tinatawag na “pessimists.”
Siyam na porsyento (9%) naman ang hindi sumagot sa tanong ng survey.
Nagresulta ito sa net personal optimism na +36 (% optimists minus % pessimists), na tinukoy ng SWS bilang “very high,” na hindi nalalayo sa mataas na marka na +35 nitong Setyembre.
Ayon sa SWS, tumaas ang net personal optimism mula +38 na very high, papunta sa +40 o excellent sa Balance Luzon at nanatiling very high sa Mindanao (mula +31 noong Setyembre sa +35 noong Nobyembre).
Bagama’t nanatiling very high sa Metro Manila at Visayas, bumaba naman ang puntos mula +39 papunta sa +36, at mula +33 papunta sa +29, batay sa pagkakasunod.
Samantala, nanatiling very high ang net personal optimism sa mga kanayunan o rural areas, na tumaas mula +34 sa +36, at nasa lungsod o urban na mga lugar, mula +36 pataas ng +37.
Ipinakita pa ng resulta ng survey na bahagyang tumaas ang net optimism ng mga kababaihan mula +38 sa +39, at ng mga kalalakihan na mula +33 hanggang +34.
Gayunman, ipinakita ng SWS na bumababa ang net optimism batay sa edad, kung saan pinakamataas ang mga indibiduwal na edad 18 hanggang 24 na excellent na +54, samantalang pinakamababa naman ang mga nasa edad 55 at pataas pa na +28.
Bukod pa rito, napag-alaman din ng survey na 29% ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang nagsabing bumuti ang kalidad ng kanilang buhay 12 buwan bago ang survey (gainers), habang 36% ang nagsabing mas lumala pa ito (losers), at 34% ang nagsabing walang nagbago.
Sinabi ng SWS na ang net personal optimism sa gainers ay nasa excellent na +58 mula +56, at tumaas ng apat na puntos mula +13 pataas ng +17 sa losers.
“In all surveys from 2019 to 2025, Net Personal Optimism has been higher among Gainers than among Losers and Unchanged,” sabi ng SWS.
Isinagawa ang survey sa buong bansa nang face-to-face mula Nobyembre 24 hanggang 30 sa 1,200 na mga nasa hustong gulang o adult na may edad 18 pataas — kung saan 300 kada respondent sa Metro Manila, Balance Luzon (iba pang parte ng Luzon sa labas ng Metro Manila), Visayas, at Mindanao.
Ang sampling error margins ay nasa ±3% para sa national percentages at ±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao, ayon sa SWS. –NB GMA Integrated News

