Bangkay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang lalaki sa bahagi ng Pasig River na sakop ng Barangay 286 sa Binondo, Maynila pasado alas siyete nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa barangay, nagulat na lang sila nang mataranta ang mga residente dahil may palutang-lutang na katawan sa ilog.

“Nu'ng marami na pong nakapagsabi sa amin na may nalunod, inutusan ko na po agad 'yung mga tanod na pumunta sa Coast Guard para ipaalam sa kanila para ma-retrieve 'yung patay,” ani Kagawad Hamid Salambat.

“Pagka retrieve po, pumunta 'ko kaagad sa PCP (Police Community Precinct) para i-inform sila and then agad naman pong dumating 'yung imbestigador tsaka 'yung homicide,” dagdag niya.

Pero dahil madilim sa ilog, tumagal daw nang mahigit isang oras bago tuluyang narekober ang bangkay ng biktima sa tapat ng isang pumping station.

Sabi pa ng barangay, hindi residente sa kanila ang biktima pero pamilyar ang kanyang mukha dahil dati na siyang nai-turn over ng pulisya sa kanila.

“November 11 last year, tinurn over po sila ng Smart Police from City Hall ng Maynila and iniwan po sila dito. Involved daw kasi siya sa pagnanakaw ng cellphone, kaya dito tinurn over. Taga-dito daw kasi mga kasamahan niya,” ani Carl Rovero, adviser ng Sangguniang Kabataan ng Barangay 286.

Base naman sa salaysay sa mga awtoridad ng mga kasamang babae ng biktima, ilang lalaki na lulan ng kotse ang humahabol sa biktima

“'Yung isang kasama niya, nahuli and then 'yung isa pa niyang kasama tsaka siya, tumalon po ng ilog. And 'yun po, unfortunately hindi po siya nakaligtas but 'yung isa nakatakas," dagdag ni Rovero.

Sira raw ang mga CCTV na makapagpapatunay sa salaysay ng mga babae.

Palaisipan din umano sa barangay kung bakit hindi agad humingi ng tulong ang mga babae nang makitang nalulunod na ang kanilang kaibigan

“Nataranta din daw sila. Hindi nila alam gagawin nila,” ani Salambat.

Gayunman, patuloy ang backtracking ng pulisya sa posibleng lugar na dinaanan ng biktima bago ang insidente

Hinahanap din ang isa pang lalaki na sinasabing tumalon din sa ilog para makuhanan ng salaysay at mabigyang linaw kung ano ang totoong dahilan ng pangyayari. —KG GMA Integrated News