Isang 34-anyos na lalaki ang nasawi matapos siyang saksakin ng kaniyang kapitbahay sa inuman noong salubong sa Bagong Taon sa Sta. Mesa, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente anim na oras makaraan ang salubong sa Bagong Taon sa Barangay 600.

Nagtamo ng isang malalim na saksak sa tiyan ang biktima na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang sinaksak ng lasing na suspek ang biktima sa inuman nilang magkakapitbahay.

Ayon sa salaysay ng saksi, naging makulit ang suspek matapos makainom, at may nasagi pa ito at may minura pang kainuman na humantong sa gulo.

Umawat ang biktima na ikinagalit ng suspek kaya siya nito sinaksak.

"Hindi namin alam kung may alitan sila o ano. Magkakaharap lang naman sila sa inuman," sabi ni Andres Gatbunton, ex-o ng Barangay 600 sa Maynila.

Naidala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.

“Magsasampa kami ng kaso kasi buhay ang kinuha niya. Ang bait-bait ng anak ko na 'yun. Wala namang kaaway ‘yun eh. Umawat lang naman 'yun,” sabi ni Josie Pascua, nanay ng biktima.

Sinabi ng pulisya na agad nadakip ang suspek at narekober ang ginamit umanong patalim. 

“Nahuli ang suspek right after ng incident, hindi na rin siya nakaalis sa area ng pinangyarihan kung saan nai-hold na rin siya ng isa sa mga witness natin doon. Na-recover din 'yung fatal weapon na ginamit which is 'yung kutsilyo, 12 inches 'yung haba niya,” sabi ni Police Major Dave Garcia, chief ng homicide section ng Manila Police District.

Nasa kustodiya na ng homicide section ng MPD at mahaharap sa reklamong murder ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News