Isang 55-anyos na motorcycle taxi rider ang dead on the spot matapos masalpok ng closed van at magulungan pa ng refrigerated van sa Ortigas Extension sa Barangay Rosario, Pasig. Ang mga driver ng dalawang sasakyan, humingi ng tawad sa nangyaring aksidente.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing pumailalim sa refrigerated van ang rider na suot ang kaniyang helmet nitong Miyerkoles.
Unang tumugon ang Pasig City DRRMO bago rumesponde ang Barangay Rosario Security Force.
“Ang nadanan ko po roon is 'yung tao po is nasa ilalim na po ng gulong. Dito po (dibdib) ang pinakapatay niya. Gulong ang dumaan sa kaniya. Doon siya mismo namatay,” sabi ni Elmark Salonga ng Barangay Rosario Security Force.
Batay sa pulisya, nagmula sa Amang Rodriguez Avenue ang rider at magpi-pickup sana ng pasahero sa Ortigas Extension.
Itong motorcycle natin is nasa gitna ng kalsada. So napapagitnaan siya ng dalawang container van, itong closed van natin. Hanggang sa na-sidesweep nitong isang closed van, itong motorcycle natin na biktima. Noong pagka-side sweep, tumilapon sa kabila at sakto naman na nagulungan siya nitong refrigerated van. So on the spot, patay siya,” sabi ni Police Colonel Hendrix Mangaldan, chief ng Pasig Police.
Dinakip ng pulisya ang mga driver ng dalawang sasakyan.
Sinabi ng 41-anyos na driver ng closed van na unang nakabangga sa motorsiklo na nag-deliver sila ng alcohol sa isang warehouse sa Libis, Quezon City at pauwi na sana sa Angono, Rizal nang maganap ang aksidente.
Ayon sa kaniya, nag-overtake ang motorsiklo.
“Nakita ko po na 'yung motor niya, gumanoon siya. Parang nag-aalangan siya kasi nag-overtake siya sa isang truck. Tapos ako, parating din, bale nagbusina po ako. Gumewang-gewang siya. Namreno naman po ako. Naghingi rin po ako ng pasensiya o patawad na rin po sa nangyari. Kasi kahit hindi ko man po alam na tumama siya sa akin bago roon sa ilalim ng truck pumunta, eh, ‘yun na po eh, aksidente na po eh,” sabi ng driver ng closed van.
Sinabi naman sa 57-anyos na driver ng refrigerated van, nagmula sila sa isang warehouse sa C Raymundo Avenue at papunta sa Pulilan, Bulacan para mag-pick up ng ice cream.
Mabilis umano ang takbo ng nakabanggang van sa motor.
“Ito, bale mabilis siya. Nabungo niya 'yung motor. 'Yung lakas ng impact niya sir, ma'am, tumalsik sa akin 'yung motor saka ‘yung tao. Bale nadamay lang po ako. Disgrasya po ‘yan. Pasensiya, kasi wala pong may kagustuhan niyan, ma'am,” sabi ng driver ng refrigerated van.
Nakakulong sa Pasig Police Headquarters ang dalawang driver, na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng panig ang kaanak ng pumanaw na rider pero wala pa silang tugon. — Jamil Santos/RSJ GMA News
