Dumating sa Kamara de Representantes umaga ng Martes si Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at bagman umano ni Vice President Sara Duterte, para tumestigo sa impeachment hearing.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre ng GMA News sa Unang Balita, nakarating si Madriaga sa Batasang Pambansa Complex bago mag- 7 ng umaga. Wala pang isang oras nang umalis sa kaniyang detention center sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City bandang 6 ng umaga.

Sinamahan siya ng isang convoy na binubuo ng mga tauhan mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at House security.

Pumasok siya sa emergency exit at hindi sa pangunahing lobby. Dinala si Madriaga sa People's Center sa House of Representatives habang mahigpit na binabantayan.

Binasa ni Madriaga ang kanyang affidavit at kasalukuyang tinatanong ng mga mambabatas tungkol dito. —Jamil Santos/AOL GMA News