Patay ang isang Amerikanong marine biologist matapos na pasukin ng tatlong suspek ang kaniyang bahay at barilin siya sa ulo sa Sibulan, Negros Oriental nitong Linggo ng gabi, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB nitong Martes, kinilala ang biktima na si Kent Edward Carpenter, 73-anyos, na nanonood ng telebisyon sa kaniyang sala nang pumasok ang mga salarin dakong 11:30 pm.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na isa sa mga salarin ang bumaril kay Carpenter sa ulo. Sugatan din ang kasamang Pilipino sa bahay ng biktima.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaril at tinitingnan pa ang lahat ng posibleng anggulo.

Sa isang pahayag naman, binuo na ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) ang Special Investigation Task Group (SITG) Carpenter para mapabilis ang imbestigasyon.

“Forensic examinations are underway for both victims to establish all relevant medico-legal findings that may aid in the investigation. Investigators are likewise conducting backtracking and forward tracking operations, including the review of possible CCTV footage, witness interviews, intelligence validation, and reconstruction of the suspects’ movements before and after the incident,” ayon sa pulisya.

Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa iba pang law enforcement unit at mga katuwang na ahensya para matukoy at maaresto ang mga suspek.

"We strongly condemn this senseless act of violence. I have directed our investigators to exhaust all legal means to identify and apprehend those responsible at the soonest possible time," sabi ni PRO-NIR Regional Director Brigadier General Romano Cardiño.

"We assure the victim's family, the community, and our foreign visitors that this case is being treated with utmost urgency, and no effort will be spared until justice is served," dagdag niya.

Hinihikayat ang sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na estasyon ng pulisya o sa Sibulan Municipal Police Station.

Kamakailan lang, isa ring American national ang nasawi matapos siyang pagnakawan at pagbabarilin ng riding in tandem habang naglalakad sa Teresa, Rizal.– Jamil Santos/FRJ GMA News