Sugatan ang foreman ng isang construction site sa Pasig City matapos siyang saksakin ng katrabaho niyang nakainom nitong Linggo.

Nangyari ang insidente pasado alas-sais ng gabi sa Barangay Ugong.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang ilang construction worker sa kanilang barracks nang mangyari ang insidente.

Nagsimula umano ang gulo sa pamangkin ng 45-anyos na biktima na nakasagutan ng suspek.

“Nu'ng 'di na sila magkaintindihan, itong suspect natin, bumalik sa kanilang barracks, kumuha ng kutsilyo, at 'yun sana ang gagamiting panaksak du'n sa pamangkin ng biktima. Kaya lang itong pamangkin, nakaiwas. Kaya itong biktima natin, nasaksak. Siya ang tinamaan,” ayon kay Police Major Mike Diaz, hepe ng Pasig City Police Investigation and Detective Management Section.

Rumesponde rin ang taga-barangay.

"Nu'ng pagdating po namin, nagkalat na rin po 'yung dugo. Meron na po siyang dressing, meaning meron na pong nag-alalay sa kaniyang sugat. Malapit po sa kili-kili po, sa kanang bahagi po ng dibdib (ang sugat). Approximately 3 inches 'yung pinaka open wound,” saad ni Ramonchito Alexis Anulao ng Barangay Ugong Fire and Rescue.

Isinugod sa ospital ang biktima na nalagay sa kritikal na kondisyon, ayon sa anak ng biktima.

Ikinuwento ng anak ng biktima ang nangyari, base sa kuwento ng kanyang ama.

"Napatayo po sila papa sa labas ng pinto po. Iba po dapat ang sasaksakin. Bigla pong si papa ang sinaksak at pinaghahabol po din 'yung mga katrabaho ni papa ng saksak. Aawat lang po talaga dapat ang tatay ko kung sakali man pong may rambulan," sabi ni Alexandra Nicole Dugan, ang anak ng foreman na biktima.

Inaresto ng pulisya ang 22-anyos na suspek.

Narekober sa kaniya ang ginamit na patalim.

Ayon sa suspek, hindi niya intensiyon na saksakin ang kanilang foreman.

Dumepensa lang daw siya sa nag-amok na pamangkin ng biktima.

"Defense lang po ma’am. 'Yung naghampas ng bote, 'yun po talaga ang unang kumuha ng kutsilyo. Tinulak siya kasi ng pamangkin niya kaya napunta sa akin nu'n kaya natamaan ng kutsilyo… Pasensiya po sa nangyari po na ganu'n na nasaksak ko siya pero wala po akong balak na saksakin po talaga siya,” ayon sa biktima.

Sa Pasig City Police custodial facility naka-detain ang suspek na mahaharap sa reklamong frustrated homicide. —KG GMA News