Patay ang isang 43-anyos na babae nang salpukin ng isang isang pampasaherong jeep na nag-counterflow sa San Mateo, Rizal Huwebes ng gabi.

Pauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang insidente sa bahagi ng General Luna Avenue sa San Mateo pasado alas-6 ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang jeep na biglang nag-counterflow at sinalpok ang biktima na naputulan ng kaliwang braso. Naisugod pa sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.

Sa lakas ng salpok ng jeep, halos mayupi ang gate ng San Mateo Roman Catholic Cemetery kung saan ito tumama. Tumagas din ang mga langis na nanggaling mula sa jeep.

Ayon sa mga awtoridad, nasa pito hanggang sampung metro ang layo nito mula sa lugar kung saan natagpuan naman ang katawan ng biktima.

Labis ang pagluluksa ni Jennefer na kinakasama ng biktima.

"Hindi ko akalain na ganoon ang mangyayari sa kanya. Hindi ko kaya. Okay lang sana kung ano eh, pero naputol pa 'yung braso niya, tapos hindi ko pa siya nakausap nang maayos," pahayag niya.

Sinabi niya na hindi man lang siya nakapagpaalam sa biktima dahil stay-in siya sa trabaho at hindi sila gaanong nagkakasama nitong mga nakaraang buwan.

"Hon, maraming, maraming salamat. Alam ko wala tayong maayos na pag-uusap dahil busy tayo sa trabaho natin. Alam ko kung saan ka man, masaya ka na. Sana lagi mo akong babantayan, hon. 'Di ko kaya. 'Di ko alam ang gagawin ko kung wala ka," dagdag pa nito.

Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang 20-anyos na driver ng jeep.

Hindi naman daw ito nasugatan at wala pa ring halos sakay na pasahero noong mga oras na maganap ang insidente.

Base sa imbestigasyon, kalalabas lang ng garahe ng jeep at naghahabol ng pasahero kaya pilit na umovertake sa mga sasakyan. Kumpleto sa dokumento ang driver at ang jeep.

"Nag-overtake, nag-swerve sa inovertakan na sasakyan at hindi na niya nabawi kaya tuloy-tuloy siya sa kabilang lane at nabangga nga po itong biktima," ayon kay Patrolman Raymond Montojo, imbestigador ng San Mateo Municipal Police Station.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng jeep na nasa kustodiya na ng San Mateo Municipal Police Station.

Nakatakdang siyang sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. —AOL GMA News