'Avisala meiste!'

Gaya ng inaasahan, bukod sa pagtutok ng 'encantadiks' sa telebisyon, pinag-usapan din netizens ang pagwawakas ng Kapuso hit fantaseryeng "Encantadia" nitong Biyernes. Ang isa sa mga Sang'gre na si Gabbi Garcia, naniniwalang hindi magsasara ang libro ng "Encantadia."

Sa finale ng "Encantadia," mayroong pa ring nagbuwis ng buhay para manaig ang kabutihan laban sa kasamaan at maibalik ang kapayapaan sa kaharian.

Napaslang ni Raquim si Hagorn, at nagapi ng mga Sang'gre si Bathalang Ether sa tulong ni Bathalang Emre.

Kasabay ng pagbabalik ni Cassiopea, hinirang naman na reyna ng Lireo si Alena.

Ikinasal naman sina Danaya at  Aquil, gayundin sina Pirena at Azula.

Sa pagwawakas, nayakap ni Ybaro sa huling pagkakataon si Amihan.

Ipinakita rin ang mga naging anak nila at pinaniniwalaang magiging tagapagmana ng kapangyarihan ng mga Sang'gre na isang lalaki at tatlong babae.

Bukod sa pasasalamat sa magandang aral at paghanga sa pagwawakas ng serye, pinag-usapan din ng netizens ang posibleng panibagong kabanata ng "Encantadia" dahil sa apat na bata at bagong kaharian ni Cassiopea.

Sa video message naman ni Gabbi Garcia na gumanap na si Alena, nagpasalamat siya sa mga sumuporta, nagmahal at tumutok sa "Encantadia."

Sabi pa ng aktres, "There are no goodbyes. Malay natin baka ma-remake ulit,  may requel o sequel, o new book."

Dagdag niya, "Encantadia book will never close."

Naging trending topic naman sa Twitter ang hashtag na #IvoLiveEncantadia.

 

 

-- FRJ, GMA News