Marami noon ang nag-akala na ang nawawalang si Ram-Ram ang kumalat na larawan ng umano'y batang ISIS na nakunan sa Marawi. Pero matapos lumabas sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang istorya, isang impormasyon ang lumabas tungkol sa isang bata sa Tondo, Maynila na pinaniniwalaan na ang tunay na si Ram-Ram.
Tatlong-taong-gulang pa lang si Ram-Ram nang mawala noong 2009 matapos umanong kunin sa kanilang bahay ng isang lalaki at isang babae na nagpanggap daw na kapatid ng ina ng bata na si Rohaniza Abdul Jabbar Cabugatan.
Hinihinala ni Rohaniza na may kinalaman ang kaniyang yaya sa pagkawala ng kaniyang anak na 10-taong-gulang na ngayon.
BASAHIN: Ang pighati ng ina sa paghahanap sa nawawalang anak na si Ram-Ram
Pero dahil hindi na niya malaman kung nasaan ang yaya at maging ang mag-asawang nagrekomenda para kunin niya ito, wala nang nagawa ang ginang kung hindi ang manawagan para maibalik ang minamahal na anak.
Hanggang sa isang araw, lumabas sa social media ang larawan ng isang batang-ISIS na kuha umano sa Marawi na hinihinalang si Ram-Ram dahil sa pagkakahawig ng hitsura ng dalawa.
Sinamahan ng "KMJS," si Rohaniza na bumalik sa kanilang bayan sa Marawi sa pag-asang makakakuha ng impormasyon tungkol sa batang-ISIS at makahingi ng tulong sa militar para sa paghahanap sa kaniyang anak.
Pero matapos lumabas ang istorya ni Rohaniza sa "KMJS," isang mahalagang impormasyon ang kaniyang natanggap tungkol sa isang bata sa Tondo, na sinasabing posibleng si Ram-Ram.
Maging si Rohaniza, naniniwala na si Ram-Ram ang batang-Tondo dahil sa nakita niyang palatandaan na nunal ng anak.
Ang batang-Tondo na kaya si Ram-Ram at hindi ang batang-ISIS? Panoorin ang ginawang pagtutok ng "KMJS":
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ/KVD, GMA News
