Mula sa Cebu, balik-Maynila ang taping nina Derrick Monasterio at Barbie Forteza para sa upcoming Kapuso series na "Inday Will Always Love You."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagtaping para sa eksena na malapit sa riles sa Maynila kung saan unang magtatagpo ang kanilang mga karakter na sina Baneng at Patrick.

"Dito nagbunga 'yung away naming dalawa na magko-continue sa Cebu," kuwento ni Barbie.

"Parang ito po 'yung umpisa ng lahat ng mga pambu-bully ko sa kaniya," dagdag naman ni Derrick.

Mapapanood din ang teaser plug ng serye kaya excited na ang dalawa.

"Masarap kasi 'yung feeling na 'yung sobrang pinaghirapan mo 'yung plug, sobrang tagal mo do'n. Tapos makikita mo na sobrang ganda ng kalalabasan," ayon kay Derrick. -- FRJ, GMA News