Natupad ang hiling ng isang batang babaeng may leukemia na bukod sa nakita ang idolong si Marian Rivera, nakabonding pa niya ang Kapuso Primetime Queen at nakatanggap ng gustong-gusto niyang laruan.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa mukha ng 9-anyos na si Ariane May Sitogo, isang batang may acute lymphoblastic leukemia, ang sorpresa nang makita si Marian.
Matapos ang meet and greet, masayang nag-bonding ang dalawa.
Inilibot pa ni Marian si Ariane sa "Sunday PinaSaya" studio.
Hindi lang ito ang advocacy na sinusuportahan ni Marian.
Nakatakda ring makiisa sina Marian at asawang si Dingdong Dantes sa The Color Run Hero Tour na tinaguriang "Happiest 5k run on the Planet."
Bilang pagsuporta ito sa "I am Hero" campaign ng YesPinoy Foundation.
Tiyak na magiging masaya at makulay ang naturang run dahil magpapaulan sila ng colored powders at foam bath.
"Hindi mo kinakailangan na maging athletic basta i-enjoy mo lang ito, ke magbarkada kayo, with the family, with anyone else, 'di ba, with special someone eh masarap itong gawin together," ayon kay Marian.
"Ang 'I Am Super' campaign ay isang campaign ng YesPinoy Foundation kung saan pumili kami ng 10 schools all throughout the country at ang mga schools na ito ang tinatawag na most vulnerable pagdating sa mga disaster," sabi naman ni Dingdong.
"Ang gusto talaga namin ma-impart o maiwan sa communities ay 'yung culture of preparedness lalo na sa mga kabataan," dagdag pa ni Kapuso Primetime King.
Ang The Color Run Hero Tour ay gaganapin sa Nobyembre 11 sa pakikipagtulungan ng Run Rio at Kapuso Network. —Jamil Santos/LBG, GMA News
