"Huwag Kang Papatay" ang nakasaad sa "Ika-5 Utos" pero hindi lang umano tungkol sa pagpatay ang mensaheng ihahatid ng bagong Kapuso series, ayon sa mga bida ng serye.
Saad nina Gelli de Belen, Valerie Concepcion at Jean Garcia, kuwento rin tungkol sa relasyon ng pamilya at pagkakaibigan ang "Ika-5 Utos," na nag-number one trending topic sa Twitter sa pagsisimula nitong Lunes ng hapon.
"Hindi ito patayan. It's really more of keeping hope alive. Keeping friendships alive. Keeping relationships alive," ayon kay Gelli sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes.
"'Yung huwag kang papatay. Hindi lang siya literally patay na dead na tao. More on anong 'yung nagti-trigger sa isang tao, o anong nagti-trigger sa situations na makakapatay ng friendships," sabi naman ni Valerie.
"Para ma-ano ka nang pumatay, ano 'yung story behind it. Pagkatapos patayin, ano 'yung lesson meron," sabi naman ni Jean.
Kasama nina Gelli, Valerie at Jean sina Jhake Vargas, Inah de Belen, Klea Pineda, Migo Adecer, Jeric Gonzales at Tonton Gutierrez sa serye.
Inaasahan na ng mga viewers ang paandaran ng tatlong beterang aktres.
Sinagot ng tatlo kung mayroon silang mga patalbugan.
"Nagtutulungan kami. Hindi kami nagsasapawan. May sakitan pero andun pa rin 'yung pag-aalalay," ayon kay Jean.
Gagampanan nina Jean, Valerie, at Jean ang mga karakter nina Eloisa, Clarisse at Kelly, na mga matalik na magkakaibigan pero masisira ng kasinungalingan at isang krimen.
Kabaligtaran ng mga intense na eksena ang kanilang turingan sa isat isa sa totoong buhay.
"Nabasa ko pa lang 'yung script, na-in love na ko agad sa script. I'm really excited, excited ako na gawin. Tapos nu'ng nalaman ko pa kung sino 'yung mga artistang kasama ko, mas lalo ako na-excite," sabi ni Jean.
"Before the show, nagkaroon kami ng workshop para mag-bond lahat ng mga cast," sabi ni Valerie.
Food, chikahan at panunuod ng Korean drama ang bonding ng tatlong beterang aktres.
Kuwento ni Gelli, "Kami ni Jean, Korean drama ang bonding namin ni bes. Kami nito (Valerie), food, chika. Tawanan lang kami sa tent kasi ito grabe. Hyper." -- FRJ, GMA News
