Ibinalita ng manager ni Iza Calzado na negatibo na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa aktres.

Noong nakaraang linggo, ipinaalam ni Iza sa pamamagitan ng kaniyang Instagram post na naka-confine siya sa ospital at ginagamot dahil sa pneumonia, na isa sa mga komplikasyon ng virus.

Sinabi rin noon ng aktres na isinailalim siya sa COVID-19 test at hinihintay pa nila ang resulta.

Nitong Sabado, sinabi  ng talent manager ng aktres na si Noel Ferrer na nakuha na nila ang resulta ng COVID-19 test at positibo sa virus si Iza.

Gayunman, bumuti na raw ang kalagayan ng aktres at kinunan na uli ng panibagong pagsusuri si Iza para alamin kung taglay pa niya ang virus.

Sa social media post ni Noel ngayong Lunes, ibinahagi niya ang magandang balita na negatibo na ang resulta ng COVID-19 test kay Iza.

"[T]he good news is — Iza’s retest results came back and she is now negative for CoVid," sabi ni Noel sa Facebook.

Sinabihan na rin umano sila na maaari nang makauwi si Iza matapos na makompleto ang IV antibiotics.

"We would like to thank each and everyone of you for your prayers, love and support especially the doctors, nurses and all the health workers who continuously risk their lives to serve us all at this time," sabi ni Noel.

"Let us continue to pray as Iza continues to heal and support others who are battling with the virus. Indeed, we pray and heal as one. To God Be The Glory," dagdag niya.

Si Iza ang ikalawang artista na nagpositibo at gumaling sa COVID-19 kasunod ni Christopher De Leon, na nakauwi na rin sa ospital noong nakaraang linggo.— FRJ, GMA News